Sila Ang Kasalo Niya


Maghapon nang naglalakad sa lansangan
Tulak ang karitong siya ring tahanan
Maagang nakulong sa kahirapan
Sa murang gulang ga-mundong bigat kanilang pinapasan

Mga matang di na marunong umasam
Kapayakang ninakaw ng kadustaan
Kamusmusang namulat sa karahasan
Habang tuloy lang sa takbo mundong walang pakialam

Ngunit ang hindi nababatid ng mga nagsasaya sa daigdig
Naroon siya kapiling ng dukha't aba
Kahit araw-araw kang sumisimba
Ang Diyos na sinasamba
Sa hapag niya sila ang kasalo niya

Humihiyaw mga sikmurang kumakalam
Tila hibang na nagkakalkal sa tambakan
Hindi tiyak kung mayrong matatagpuan
Pagkain ba ang hinuhukay o sariling libingan

Itutulog na lang upang maitawid
Gutom at hinagpis sa tadhanang kay lupit
Nanginginig sa bangketang kay lamig
Habang nahihimbing mga ganid palalo at manhid

Ngunit ang hindi nababatid ng mga nagsasaya sa daigdig
Naroon siya kapiling ng dukha't aba
Kahit araw-araw kang sumisimba
Ang Diyos na sinasamba
Sa hapag niya sila ang kasalo niya
Hindi ikaw
Kun'di sila
Sila ang kasalo niya

Kailan ka magigising
Kailan mo mapapansin
Naroon siya
Kakampi ng duha't aba
Ang Diyos na dumalaw sa daigdig
Ang Diyos ng pag-ibig
Sa hapag niya
Sila ang kasalo niya
Sila ang kasalo niya
Sila ang kasalo niya